Disyembre na naman at tiyak na di na naman magkandaugaga ang bawat isa sa paghahanda para sa darating na Pasko. Malayo pa man ang Ika- 25 ng Disyembre ay kanya-kanya nang puntahan sa mga kilalang pamilihan at malalaking department stores ang nakararami upang ibili ng mga panregalo ang kani-kanilang mga inaanak, kaibigan, magulang, asawa, mga anak, mga kamag-anak at lahat ng inaakalang dapat bigyan ng papasko.
Kabi-kabila naman ang mga charity works ng ibat ibang charitable organizations bilang pagbibigay aliw sa mga nasa institusyong nangangailangan ng kalinga ng mga tulad nila lalo na sa sa panahong ito ng Kapaskuhan. Napakaganda at maituturing na kabanalan ang pagbabahagi ng kung anumanan ang maipagkakaloob natin sa iba sa panahong ito bilang paggunita sa araw ng pagsilang ng ating dakilang Mesiyas na si Hesus.
Ngunit ano nga ba talaga ang Pasko? Sadya bang nasa pagbibigayan lamang ng mga regalo nakikita o nadarama ang Pasko? Paano na kung walang panregalo o walang natatanggap na regalo? Wala na ang Pasko?
Nang isilang ang ating Panginoong Hesus, marami ang umasa ng pagbabago mula sa mga mapaniil na pamumuno sa Kanyang panahon. Ngunit kahit kailan ay di narinig sa Kanya ang anumang layuning mamuno sa isang pisikal na pakikipaglaban para sa kalayaan mula sa pang-aalipin ng mga naghaharing uri noong mga panahong iyon.
Sa halip ang kanyang pagsilang ay naging isang simula ng paglaya mula sa hapis ng kalungkutan mula sa kawalan- - kawalan ng mga materyal na bagay na sagisag ng karangyaan kaalinsabay ng mapayapang paghimok sa mga mapang-api na baguhin ang kanilang mga gawi at maging mapagmahal sa kanilang kapwa spagkat ito ang nais ng ating Amang Diyos sa Langit. Mahirap isipin, ngunit isinilang si Hesus na dala ay pagmamahalan, na maipakikita, di lamang sa pagbibigayan ng anumang materyal na bagay kundi ang pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng ibang higit na nangangailangan.
Di nga bat noong siya'y nangangaral, tinanong siya ng isang mayaman ng ganito, " Panginoon, gusto ko po kayong sundan, ano po ang dapat kong gawin?" na sinagot naman ni Hesus ng "Ipamahagi mo ang lahat ng iyong yaman at sumunod ka sa akin!" Lulugu-lugong lumisan ang mayaman sapagkat di niya kayang gawin ang sa kanya'y ipinagagawa ni Hesus.
Pero ano nga ba ang kahulugan ng nabanggit na kuwento? Marahil ay itatanong sa akin, ano naman ang kaugnayan nito sa Pasko?
Malawak ang kahulugan ng Pasko. Sa isang pagsasalita ni Pope Benedict XVI, pinili niyang gamitin ang salitang "ligaya" bilang pagbibigay kahulugan sa Pasko. Sa lahat ng salitang maaring ipagpakahulugan sa Pasko, ang payak na salitang ito lamang ang namutawi sa kanyang mga labi na marahil ay siyang tanging salita na magbibigay kahulugan sa Pasko. Bakit hindi sakripisyo, pag-ibig o pagmamahal? Bakit hindi hustisya o pagkakapantay-pantay, kapayapaan o pag-ibig at pagmamahalan. Ah, tunay ngang kamangha-manghang ang isang namumunong punung-puno ng katalinuhan at kabanalan ay bigyang kahulugan ang Pasko sa pamamgitan lamang ng isang salita...ligaya.
Kung babalikan ko ang kuwento tungkol sa mayamang nais sumunod kay Hesus, isang bagay lamang ang naramdaman ko, isang mabigat na pagsubok ang kanyang ibinigay sa taong gustong sumunod sa kanyang mga yapak, taong nais maglingkod sa kanya, --ang ipamahagi ang kung ano ang labis sa kanyang mga ari-arian upang mapaligaya ang kanyang kapwa.
At ang ligayang idudulot nito sa kanyang kapwa ay tulad na rin ng hinahanap nating diwa ng Kapaskuhan, ang ligayang idudulot sa makakatanggap ng anumang mahalagang bagay na maipagkakaloob ninuman sa kanyang kapwa. Si Kristo ay dumating sa buhay ng isang mayaman upang ipagkaloob sa kanya ang pagkakataong maranasan ang tunay na kaligayahan- - ang ligayang idinudulot ng kusang loob na pagbibigay, isang pagbibigay na walang inaasahang kabayaran o kapalit.
Ang Pasko ay ligaya. Ito ang pinakadiwa ng pagkakaroon ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Ligaya rin ang idinudulot sa sinumang marunong magpakasakit. At walang kahulilip na ligaya rin ang idinudulot ng wagas na pagmamahalan at pag-iibigan. Sa ganitong pagpapakahulugan, may hihigit pa kaya sa diwa o kahulugang nais nating ipakahulugan sa Pasko?
Ang Pasko ay siyang maituturing na pinakadakilang alaalang ipinagkaloob sa atin ng ating Dakilang Ama sa Langit!
ISANG LIGTAS, MAPAYAPA AT MALIGAYANG PAGDIRIWANG NG ARAW NG PASKO SA LAHAT!