Wednesday, October 24, 2012
Seguridad ng imahen ni Calungsod, mahigpit na babantayan ng pulis sa pagbabalik nito
Posted by
DES TAN
at
Wednesday, October 24, 2012
Inihahanda na ng Philippine National Police ang security plans para sa pagbabalik ng imahen ni Santo Pedro Calungsod sa bansa ngayong Huwebes. Sa ulat ng radio dzBB nitong Lunes, inihayag ni PNP spokesman Chief Superintendent Generoso Cerbo Jr. na kanilang babantayan ang seguridad ng imahen sa thanksgiving tour nito sa mga diocese. Ayon kay Cerbo, maaari umanong pagkaguluhan ng mga tao ang istatuwa sa mga "Duaw Nasud" na pagbisita nito. Dagdag niya, kinakailangan nilang maging alerto sa kahit anong posibleng banta sa seguridad sa magaganap na thanksgiving tour. Inilipad ang imahen ni Calungsod patungong Rome para sa canonization ng binatilyong Pilipinong martir noong Linggo. Nakatakda itong makabalik ng bansa ngayong Huwebes. Noong Agosto, inihayag ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na magkakaroon ng nationwide tour ang imahen bago ang national thanksgiving na pagdiriwang sa Cebu. Ayon kay CBCP Assistant Secretary General Fr. Marvin Mejia, nakatakdang bumalik ang opisyal na imahen sa Pilipinas ngayong Oktubre 25 upang simulan ang "Duaw Nasud" na pagbisita. “For the first night, the image will be in the University of Sto. Tomas (UST). The statue will visit some dioceses in the National Capital Region (NCR) such as the Archdiocese of Manila, Dioceses of Parañaque, Pasig, Cubao, Antipolo and Caloocan before it will visit dioceses in Northern Luzon down to the Bicol Region,” ani Mejia, na miyembro rin ng Cebu commission para sa canonization ni Blessed Pedro Calungsod. Mula sa airport, agad na dadalhin ang imahen ni Calungsod sa Manila Metropolitan Cathedral para sa turnover nito, na hudyat sa pagsisimula ng "Duaw Nasud." Sa Oktubre 31, dadalhin ang imahe sa Villamor Air Base kung saan matatagpuan ang Military Ordinariate bago ito dalhin sa Vigan sa Nobyembre 2. Mula namang Vigan, dadalhin ito sa Legazpi bago tuluyang dalhin sa Visayas at Mindanao mula Nobyembre 13 hanggang 27. Ibabalik na ang imahe sa Cebu sa Nobyembre 27 para sa Triduum Masses at sa National Thanksgiving sa Nobyembre 30. — Amanda Fernandez/BM